Paano kami nag-start ng Filipino store business namin sa Canada?

Magandang araw, mga kababayan. 

Ang article na ito ay tungkol sa kung paano kami nagsimula ng business na Filipino grocery store sa Toronto, Canada. Simulan na agad natin.

Ang negosyong Kapamilya Filipino grocery store namin sa Toronto, sa pagbabalik tanaw ko, ay bunga ng blessing ng Maykapal sa amin. 

Bakit ko nasabi yun? Sapagkat nagsama-sama ang napakaraming incidence o mga pangyayari bago napasa-amin ang tindahang Pilipino na ito. 

Kung tutuusin, ayaw ko talaga magkaron ng business na Filipino grocery store o kahit na anong tindahan na nakatali ako sa pagbabantay ng negosyo, dahil nais ko nang mag-buhay retired na kung saan malaya akong makakapunta at makaka-alis kung saan at kailan ko gusto. 

Alam ko ang buhay ng mayroong tindahan dahil noong nakatira pa kami sa Kamuning ay mayroon kaming tindahan sa palengke at halos wala kaming oras sa pamamasyal sa loob ng 12 taon. 

Ngunit tulad ng nasabi ko, ang Kapamilya Filipino store ay kaloob sa amin at sa palagay ko ay tunay na blessing na rin para sa pagbabagong isip ng isa sa mga anak namin. 

Paano nga ba kami nag-start sa Kapamilya Filipino store?

Nagsimula ang lahat noong nag-uumpisa na, na maging talamak ang epekto ng Covid pandemic sa kabuhayan sa buong mundo. 

Sa Toronto, bago ang pandemic, maayos na kumikita kami sa Filipino travel agency business namin, mayroon din mga foreign students na umuupa sa bahay namin at ang mga anak namin ay mayroon din naman mga maa-ayos na trabaho. 

Ngunit noong nagsimulang magkaroon ng malawakang shutdown dahil sa kumakalat na pandemia - sabay sabay na nawala lahat ang pinagkakakitaan ng aming pamilya. Bumagsak ang travel agency business namin, nag-uwian sa kani-kanilang bansa ang mga foreign students na umuupa sa amin at nagsara din ang mga kumpanya na pinapasukan ng mga anak namin. 

Kayat talagang nakaka-pag-alala ang sitwasyon noon dahil wala kaming nakikitang pagkakakitaan na pambayad sa mga araw-araw na pangangailangan. At wala kaming idea kung hanggang kailan magtatagal ang nangyayaring sitwasyon ng covid.

Salamat naman sa Diyos at tumulong ang gobyerno ng Canada sa mga mamamayang Canadian. Napakalaking bagay ang naitulong ng gobyerno sa amin. 

Ngunit ang tulong na iyon ay hindi sapat para sa iba pang gastusin namin - katulad halimbawa ng mortgage sa bahay, pambayad sa kuryente at saka heat. Kaya kailangan pa namin humanap ng iba pang pagkakakitaan bukod sa ayudang natanggap namin. 

Noong panahon na iyon ng pandemic, ang tanging raket na posibleng pang-galingan ng kita ng bawat isa ay ang negosyong PAGKAIN. Ano mang gawain na mayroong kinalaman sa pagkain ay tiyak na pupuwedeng makadagdag sa pagkakakitaan. 

Mayroon pa din naman mga negosyong nag-o-operate noong panahon na iyon, kaya pwede, halimbawa magluto ng ulam at ialok online. Pwede ding raket ang deliveries ng pagkain.

Kaya, deliveries ng pagkain ang napili naming pasukin. Sinubok namin ang Uber eats at iba pang food delivery services ngunit mas nagustuhan namin ang pagde-deliver ng tinapay. Buti na lang at mayroon kaming kakilalang Filipino bakery shop na pumayag na maging taga-deliver kami ng mga produkto nila.

Binigyan nila kami ng ruta ng mga deliveries para sa 5 tindahan at nagkataon naman na isa ang Kapamilya foods sa deliveries namin. Kapamilya Foods ang original na pangalan ng tindahang Pilipino na ito. 

Nagkataon din na ang may-ari ng original na Kapamilya foods ay dati na naming customer sa mga nakaraan naming mga raket sa Toronto. (Unang insidente ito).

Noong unang mga taon kasi ng pagnenegosyo namin, bago namin itinayo yung Filipino travel agency, ay umi-import kami ng mga paninda galing Hongkong at isinu-supply namin sa mga tindahang Pilipino dito sa Toronto - at isa ang may-ari ang Kapamilya foods sa naging suki namin. Hindi pa Kapamilya foods ang pangalan ng tindahan nya. 

So, naging madalas ang pagde-deliver namin ng tinapay sa Kapamilya foods at dahil dati na naming kilala ang may-ari ay hindi maiwasan ang kwentuhan habang tumatakbo ang transaksyon ng pandesal delivery. 

At isa sa mga naging topic ng kuwentuhan ay nabanggit ng may-ari na gusto na niyang mag-retire at naghahanap siya ng bibili sa rights ng tindahan nya. (Pangalawang insidente ito).

Dahil sa wala sa isip namin na magnegosyo ng tindahan, hindi namin pinansin ang napag-usapan tungkol duon. 

Isang araw, umuwing malungkot ang isa sa mga anak namin. Ang dahilan pala ay nagsara kaagad ang kumpanyang katatanggap lang sa kanya. Kare-report pa lang nya sa trabaho ay nagsarado agad ang kumpanya. (Pangatlong insidente ito).

Doon namin biglang naisip iyung ini-o-offer na Kapamilya foods sa amin. 

Nag-suggest kami sa anak namin na mag-umpisa sya ng negosyong hindi sakop ng lock down, katulad ng grocery store. Sinabi namin sa kanya ang offer ng may-ari ng Kapamilya foods. 

Bagamat walang hilig at walang experience magpatakbo ng negosyo ang anak namin, nakumbinsi namin sya na tingnan at pag-aralan iyong offer sa amin. 

Makalipas ang 2 araw, binisita namin ang Kapamilya foods kasama ang anak namin upang makita nya sa personal ang tindahan at upang ma-assess nya ang lugar. Nagustuhan naman nya ang tindahan at ang lugar at pagbalik namin sa bahay ay pinag-usapan namin kung ano ang aming dapat gawin.

Sa kadahilanang nahihirapan makakuha ng maayos na trabaho at dahil sa walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang pandemia, naisip ng anak namin na sumubok sa Filipino grocery business at bilhin ang rights ng Kapamilya foods. (Pang apat na insidente ito).

At dahil mayroon naman ipon ang anak namin ay ready sya sa halagang hinihingi ng may-ari ng Kapamilya foods. (Pang limang insidente ito).

Nang sumunod na mga araw, ang naging unang hakbang namin ay makipag-sara sa may-ari ng Kapamilya foods tungkol sa bilihan. 

Inihanda ng may-ari ang mga dokumentong kailangan sa pamamagitan ng kanyang lawyer at nang naka-ready na ang lahat ay sinabihan kami ng lugar kung saan magaganap ang pirmahan ng dokumento at bayaran para mapasa-amin ang tindahan.  

Nagpalitan ng pirma ang mayari at ang anak namin, nagbayad kami at ipinasa sa amin kaagad ang mga susi sa tindahan. Pagtapos ay sinamahan kami ng may-ari sa opisina ng may ari ng property at pumirma ang anak namin sa kontratang pag-upa ng 4 na taon. 

Ang sumunod na hakbang namin ay kumuha kami ng business name para sa tindahan at naisipan namin na huwag na palitan ang pangalang “kapamilya” kayat ang nirehistro sa business name registration ay Kapamilya na lang - tinanggal lang ang “foods.”

Kung bakit ganoon ang naging desisyon namin ay sa kadahilanang kilala na ang pangalan ng tindahan sa neighborhood at ayaw namin malito pa ang mga datihang customer ng Filipino store na ito na halos 20 taon na na nakatayo sa lugar na iyon. 

Hindi naman kami nagkamali sa desisyon sapagkat sa unang araw pa lamang ng pagbukas namin ng tindahan ay mayroon na agad kaming benta at mga suki. 

Sumunod na mga ginawa namin, habang tumatakbo na kaagad ang tindahan, ay nag-apply kami ng permit to operate sa city hall at tax account number para sa tindahan. Mabuti na lamang at napakadaling maglakad ng mga ganitong dokumento sa Canada at walang pasikot-sikot na katulad sa Pilipinas. 

Sa loob lamang ng 3 araw, naayos namin kaagad ang mga kakailanganing mga dokumento at online lahat ng transaksyon. 

Sa mga sumunod na araw, habang pinapatakbo na namin ang tindahan ay nag-imbentaryo kami ng nilalaman ng tindahan, kasama na ang lahat ng appliances na nakapaloob. 

At dahil ipinasa naman sa amin ng dating may-ari ang mga basic na information tungkol sa mga suppliers at mga importanteng contacts, ay umorder kami ng mga karagdagang paninda para lamanan ang tindahan ng mas maraming pang variety ng mga Filipino products. 

Sa loob ng 2 buwan pagka-acquire sa Kapamilya, pinag-aralan namin mabuti ang pasikot sikot ng tindahang Pilipino - una sa pinag-aralan namin ay ang cash machine pagkatapos ay yung debit/credit card machine pagkatapos ay iyong remittance system. 

Sa kasalukuyan (ngayon ay Sep. 6, 2023), nakaka-3 taon na kami dito sa Filipino store na ito at napakarami na naming natutuhan sa kung paano magpatakbo ng tindahang Pilipino dito sa Toronto. 

Masuwerte ang anak namin dahil established na ang nabili nyang business - kilala na sa neighborhood at marami nang suki at dumami pa simula noon. Kung kayat nabawi nya agad ang kanyang puhunan nang wala pang 1 taon.

Nagpapasalamat kami ng lubos sa Maykapal sa biyayang ibinigay nya sa amin - itong Filipino store na Kapamilya - at dahil dito ay nakaraos kami sa dumaan na pandemya.

Comments

Popular posts from this blog

Love to cook Filipino food? Gain an unfair advantage from other food sellers! Have your own Filipino store!

Worth it ba magtayo ng Filipino store na negosyo sa Canada? Mag-business tayo sa Toronto